[go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

Yahweh

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa YHWH)

Ang Yahweh ay ang pangalan ng pambansang Diyos na sinamba nga mga Sinaunang Israelita at sinasamba sa Hudaismo at pati na rin sa Kristiyanismo. Ayon sa mga iskolar ng Bibliya, ang mga Sinaunang Israelita sa simula ay mga politeistiko na sumasamba sa maraming mga Diyos at kalaunang naging mga monolatrista na sumasamba sa isang pambansang Diyos na si Yahweh ngunit kumikilala sa pag-iral ng ibang mga Diyos at kalaunan ay naging mga monoteista na kumikilala at sumasamba lamang sa isang Diyos na si Yahweh na lumitaw pagkatapos ng pagkakatapon sa Babilonya noong ca. 587/586 BCE.[1] Ang katunayan ang pangalang Israel ay mula sa El (diyos) na nangangahulugang "nakipagbuno kay El".

El
Maliit na rebulto ng Diyos na si El na may 70 anak na lalake na nahukay sa Megiddo
Hari ng mga Diyos
Ibang mga pangalan
SymbolToro
Konsorte (Asawa)
Mga anak
RehiyonCanaan at Levant

Pinagmulan ng Diyos na si Yahweh

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Isa mga paso na natagpuan ng mga arkeologo sa Kuntillet Ajrud na may nakasulat na "Berakhti etkhem l’YHVH Shomron ul’Asherato" (Hebrew: בירכתי אתכם ליהוה שומרון ולאשרתו‎) na kung isasalin sa Tagalog ay "Pinagpala kita kay Yahweh at ng kanyang Asherah"

Ang politeismo ng mga Sinaunang Israelita ay nag-uugat mula mga politeistikong relihiyon ng Sinaunang Malapit na Silangan at sumasalamin sa mga ilang aklat ng Tanakh gaya ng paggamit ng salitang Hebreo na Elohim na anyong plural ng Eloah na anyo ng El (diyos) na isang pangkalahatang salita para sa diyos sa mga Sinaunang relihiyong Semitiko sa Sinaunang Malapit na Silangan.[3] Ayon sa mga eskolar, si Yahweh ay kinikilala sa Canaan na isa sa pitumpung(70) mga anak ng Diyos na si "El (diyos)" o "Elyon".[4] Sa Canaan(kasama rito ang mga bansang Lebanon, Jordan, Israel, Syria at iba pa), si El ay kinikilalang punong diyos at asawa ng diyosang si "Asherah". Ito'y makikita sa mga tabletang nahukay sa siyudad ng "Ugarit" sa Syria noong 1929 hanggang 1939.[5] Ang pitumpung anak ni El ay mga patrong diyos ng bawat pitumpung bansa sa rehiyon ng Canaan. Sa Deuteronomio 32:8-9 ng Dead Sea Scrolls o 4QDeut4(na pinakamatandang manuskrito ng Tanakh), mababasa na hinati ng diyos na si Elyon ang mga bansa ayon sa bilang ng mga anak ng diyos. Ang bansang Israel(Jacob) ay naging bahagi naman ng diyos na si Yahweh.[6] Ayon sa mga iskolar, ang beney ha elohim(mga anak ng mga diyos) sa Deut. 32:8-9 ay salitang Semitiko na tumutukoy sa mga mababang diyos sa kapisanan ng mga diyos(divine pantheon) sa Canaan[7][8][9][10][11][12][13](tignan din ang Awit 82:1-8 kung saan ang punong diyos(Elyon) ay namumuno sa kapulungan ng mga diyos). Ang salitang Elohim(mga diyos) na anyong plural ng singular na El(diyos) ay matatagpuan ng 2500 beses sa Tanakh(Lumang Tipan). Bagama't ang Elohim ay may konstruksiyong singular sa ilang mga talata ng Tanakh(kung ang pandiwa o pang-uri na tumutukoy dito ay singular), may ilang mga eksepsiyon na ang "Elohim" ay nangangahulugang "maraming diyos". Halimbawa, sa Genesis 20:13, 35:7, 2 1 Samuel 7:23, Awit 58:11, at ang pangalan ng "Buhay na Diyos" sa Deuteronomio 5:26, ang "Elohim" ay nasa anyong plural dahil sa ito ay tinutukoy ng plural na pang-uri na אלהים חיים . Sa Septuagint at sa mga bagong salin ng Lumang Tipan mula sa Hebreo, ang salitang "Elohim" ay isinalin na "mga diyos" kapag tinutukoy ng plural na pandiwa at kapag ito ay tumutukoy sa "mga diyos na pagano"(halimbawa sa Exo 12:12 na "mga diyos(Elohim) ng Ehipto") ngunit ito ay pinalitan ng singular na "diyos"(theos sa Septuagint) kung tumutukoy sa diyos ng Israel kahit na ang kahulugan ay maliwanag na "mga diyos".

Nang hatiin ni Elyon ang mga bansa,

nang kanyang ihiwalay ang mga anak ni Adan
kanyang itinakda ang mga hangganan ng mga bansa
ayon sa bilang ng mga anak ng mga diyos.
Ang bahagi ni Yahweh ang kanyang bayan,

si Jacob(Israel) ang kanyang(Yahweh) bahaging mana.

— Salin ng Deuteronomio 32:8-9 ng Mga skrolyo ng Patay na Dagat(4QDeut4)[14]

Sa pagitan ng ikawalo hanggang ikaanim na siglo BCE, si El ay nagsimulang ituring na mga Israelita na siyang ring si Yahweh o "Yaweh-El" na asawa ni "Asherah".[15] Ang ibang mga diyos ng ibang bansa ay tinuring ng mga Israelita na mga manipestasyon lamang ni Yahweh-El. Ito ay makikita sa mga artipaktong nahukay sa bansang Israel sa panahong ito na nagpapakitang si Yahweh ay may asawa na nagngangalang "Asherah". Bukod dito, ang pagpapalit ng beney ha elohim(mga anak ng mga diyos) sa ibang manuskrito gaya ng Masoretico, ng "mga anak ni Israel" gayundin sa Septuagint na pinalitan ng "mga anghel ng diyos" ang indikasyon na ang diyos na si Elyon at Yahweh ay naging isang diyos. Sa bagong salin ng biblia na The New Revised Standard Version (NRSV)(1989), ang Deut 32:8 ay isinalin na "according to the number of the gods"(ayon sa bilang ng mga diyos). Sa panahong ito, ang mga ebidensiyang arkeolohiyal ay nagpapakita ng mga tensiyon sa pagitan ng pangkat na komportable sa pagsamba kay Yahweh kasama ng mga lokal na diyos gaya nina Asherah at Baal at sa mga sumasamba "lamang" kay Yahweh.[16][17] Sa mga panahong ding ito nagsimulang lumitaw sa Bibliya ang monoteismo o ang paniniwalang si Yahweh "lamang" ang diyos ng uniberso. Halimbawa sa ika pitong siglo BCE, isinulat ang mga pahayag na monoteistiko sa Bibliya : Deuteronomio 4:35, 39, 1 Samuel 2:2, 2 Samuel 7:22, 2 Hari 19:15, 19 (= Aklat ni Isaias 37:16, 20), at Aklat ni Jeremias 16:19, 20 at ang ikaanim na siglong bahagi ng Isaias 43:10–11, 44:6, 8, 45:5–7, 14, 18, 21, and 46:9.[18] Dahil sa ang mga talatang ito ay nakaugnay sa Deuteronomio, ang kasaysayang Deutoronomistiko(ito'y mga librong mula sa "Aklat ni Josue" hanggang sa "Aklat ng Mga Hari"), sinasabi ng mga iskolar na ang isang kilusang Deuteronomistiko ang bumuo sa ideyang monoteismo sa Israel noong mga panahong ito.[19] Isa sa mga dahilan ng pagusbong ng monoteismo sa Israel ay ang pagakyat sa kapangyarihan ng mga imperyong Assiria at Babilonia sa mga panahong ito. Para sa mga Israelita ang kanilang diyos ay kasing kapangyarihan ng mga patrong diyos ng ibang bansa. [20] Ngunit dahil sa pagsakop ng Imperyong Neo-Asirya sa hilagang kaharian ng Israel (Samaria) noong 723-720 BCE at Imperyong Neo-Babilonya sa Kaharian ng Juda noong 587/586 BCE, inakala ng taga-Juda na mas makapangyarihan ang diyos ng Imperyong Neo-Asirya at Imperyong Neo-Babilonya. Sa mga panahong ito, ang kilusang monoteistiko(Deuteronomistiko) ay nagsimulang mangatwiran na ang pagsakop ng Babilonya sa Juda ay hindi nangangahulugang ang diyos ng Israel ay mas mahina kay "Ashur" na siyang pambansang Diyos ng Asirya at Marduk na pambansang Diyos ng Babilonya, kundi ipinahintulot ni Yahweh na parusahan ng Asirya at Babilonya ang Israel at Juda upang dalisayin ang bansang Israel at Juda dahil sa kanilang politeismo.[19] Ang modernong analysis na literaryo ng Tanakh ay nagmumungkahi na sa panahong ito nang binago ang mga pinagkunan na isinulat at pambibig upang ipaliwanag ang pagkakatapon ng mga Israelita at Pagpapatapon sa Babilonya bilang parusa ng diyos dahil sa pagsamba sa ibang mga diyos.[21] Si Yahweh ay ginawa rin ng mga may akda ng Tanakh na hindi lamang ang pang-tribong diyos ng bansang Israel kundi pati ng buong mundo. [19] Iminungkahi na ang striktong monoteismo ay umunlad sa pagkakatapong ito ng mga Israelita sa Babilonia at marahil ay bilang reaksiyon sa dualismo o quasi-monoteismo ng Zoroastrianismo ng Imperyong Persiyano.[22][23] Ang Judah ay naging [probinsiya]] ng imperyong Persian pagkatapos sakupin ng Persia ang Babilonia noong 539 BCE at naging probinsiyang Yehud Medinata sa loob ng 207 taon. Ang mga iskolar ay naniniwala na ang Hudaismo ay naimpluwensiyahan ng relihiyong Zoroastrianismo[23] ng Persiya sa mga pananaw ng anghel, demonyo, malamang ay sa doktrina ng muling pagkabuhay gayundin sa mga ideyang eskatolohikal at sa ideya ng mesiyas o tagapagligtas ng mesiyanismong Zoroastriano.[24]

Ang ibang iskolar ay naniniwala na si Yahweh ay isang pang-tribong diyos na sinamba sa timog ng Canaan(Edom, Moab at Midian) mula 14 siglo BCE at ang kulto ni Yahweh ay naipasa sa hilaga ng Canaan sa pamamagitan ng mga Cineo(Kenite). Ang hipotesis na ito ay iminungkahi ni Cornelius Tiele noong 1872. Ayon din sa ilan na naniniwala sa hipotesis na ito, si Yahweh ang diyos ni Jethro(biyenan ni Moises) na isang Cineo ayon sa Hukom 1:16 at mula kay Jethro naipasa ni Moises ang kulto ni Yahweh sa mga Israelita. Gayunpaman, si Moises ay hindi tinatanggap na historikal ng mga kasalukuyang iskolar.[25]

  1. The Origins of Biblical Monotheism: Israel's Polytheistic Background and the Ugaritic Texts. New York, NY; Oxford, England: Oxford University Press. 2000. ISBN 978-0-1951-6768-9.
  2. "The Ascent of Helel" Emiley, David, Journal of Ancient Near Eastern Religions, 2022
  3. http://www.class.uidaho.edu/ngier/henotheism.htm
  4. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2017-05-11. Nakuha noong 2011-10-03.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Matthews, Victor Harold (2004). Judges and Ruth, Cambridge University Press, pahina 79
  6. Meindert Djikstra, "El the God of Israel, Israel the People of YHWH: On the Origins of Ancient Israelite Yahwism" (in "Only One God? Monotheism in Ancient Israel and the Veneration of the Goddess Asherah", ed. Bob Beckering, Sheffield Academic Press, 2001)
  7. The human faces of God, pahina 72
  8. Jesús-Luis Cunchillos, Juan-Pablo Vita, A concordance of Ugaritic words 2003 p389
  9. Jesús-Luis Cunchillos, Juan-Pablo Vita, The texts of the Ugaritic data bank 2003 p82
  10. Marvin H. Pope El in the Ugaritic texts 1955 p49
  11. Rahmouni, A. Divine epithets in the Ugaritic alphabetic texts 2008 p91
  12. Young G. D. Concordance of Ugaritic 1956 Page 13
  13. G. Johannes Botterweck, Helmer Ringgren Theological dictionary of the Old Testament 2000 p130
  14. When Elyon divided the nations,
    when he separated the sons of Adam
    he established the borders of the nations
    according to the number of the sons of the gods.
    Yahweh’s portion was his people,
    Jacob his alloted inheritance.)

    (Deuteronomy 32:8-9, Dead Sea Scrolls(4QDeut4)
  15. Karel van der Toorn, "Goddesses in Early Israelite Religion in Ancient Goddesses: the Myths and the Evidence" (editors Lucy Goodison and Christine Morris, University of Wisconsin Press, 1998)
  16. 1 Kings 18, Jeremiah 2; Othmar Keel, Christoph Uehlinger, Gods, Goddesses, and Images of God in Ancient Israel, Fortress Press (1998); Mark S. Smith, The Origins of Biblical Monotheism: Israel’s Polytheistic Background and the Ugaritic Texts, Oxford University Press (2001)
  17. Othmar Keel, Christoph Uehlinger, Gods, Goddesses, and Images of God in Ancient Israel, Fortress Press (1998); Mark S. Smith, The Origins of Biblical Monotheism: Israel’s Polytheistic Background and the Ugaritic Texts, Oxford University Press (2001)
  18. Ziony Zevit, "The Religions of Ancient Israel: A Synthesis of Parallactic Approaches (Continuum, 2001)
  19. 19.0 19.1 19.2 Mark S.Smith, "Untold Stories: The Bible and Ugaritic Studies in the Twentieth Century" (Hendrickson Publishers, 2001)
  20. William G. Dever, "Did God Have a Wife? Archaeology and Folk Religion in Ancient ISrael" (Eerdman's, 2005)
  21. http://books.google.co.uk/books?id=stl97FdyRswC&pg=PA340
  22. Ephraim Urbach The Sages
  23. 23.0 23.1 http://www.jewishencyclopedia.com/view.jsp?artid=147&letter=Z
  24. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-10-15. Nakuha noong 2012-11-27.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  25. Finkelstein at Silberman, Bible Unearthed