[go: up one dir, main page]

Academia.eduAcademia.edu

Filipino sa Piling Larang at kasanayan sa pagsulat

2020

PAGSULAT NG SULATING PANANALIKSIK Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik Ikawalong Pangkat Angel Mae Bacsa John Lloyd Quinto Juliana Custodio Baitang 11 – Isaac Newton KABANATA I - ANG SULIRANIN AT KALIGIRAN NITO Panimula Isang kasanayan na dapat malinang sa bawat mag-aaral ang epektibong paggpapahayag ng kanyang sariling opinion, saloobin, at ideya batay sa isang umiiral na paksa sa anyong pasulat gamit ang sariling wika. Simula pa nga lamang elementarya ay hinuhubog na ang mga mag-aaral sa pagbilang, pagbasa at lalong-lalo na sa pagsulat. Kapag taglay ang kasanayang ito ay nahuhubog sa isang kabataan ang tiwala sa sarili sa pakikipagtalastasan. Ang pagsulat nga ay nakatatak na sa mga Pilipino sapagkat naging sandata ito upang mapalaya ang bansa sa mga nananakop dito. Ang pagsulat ay pagsasalin sa papel ng anumang kasangkapang maaaring magamit na mapagsasalinan ng mga nabuong salita, simbolo at ilustrasyon ng isang tao. (Bernales, et al., 2001) Ito ay kapwa pisikal at mental na aktibidad o gawain na ginagawa para sa iba’t ibang layunin. (Bernales, et al., 2002) Ayon kina Xing at Jin (1989), ang pagsulat ay isang komprehensibong kakayahang naglalaman ng wastong gamit, talasalitaan, pagbubuo ng kaisipan, retorika at iba pang elemento. Ayon naman kay Keller (1985), ang pagsulat ay isang biyaya, isang pangangailangan at isang kaligayahan ng nagsasagawa nito. Ayon nga kay Tabec (2013), pinatunayan ng maraming pag-aaral na malaki ang naitutulong ng pagsulat sa paghubog ng isang tao. Sa pamamagitan ng pagsulat, naipapahayag ang paniniwala, mithiin, pangarap, nararamdaman, bungang-isip at nakikilala ng tao ang kanyang kahinaan at kalakasan. Ang pagsulat ay nakatutulong sa paglinang ng kakayahan ng mga mag-aaral sa lohikal na pag-iisip at paglutas ng mga suliranin. Napapaunlad ang ibang kasanayang pangwika tulad ng pagbabasa, pagtatala, pakikipagtalakayan at iba pa.  Responsible ang anumang institusyon tulad ng paaralan na hubugin ang kasanayang pagkomunikatibo pasalita man o pasulat. Ito ay magdudulot ng malaking kapakinabangan sa bawat mag-aaral, bilang mamamayan ng kanyang lipunang ginagalawan, sa pagbabahagi ng kanyang sariling saloobin, maipahayag ang kanyang nararamdaman, maipabatid ang kanyang pagkatao, maipahayag ang kanyang pangarap, magamit sa mataas na antas ang katunungan at kasanayang kanyang natutuhan, na humuhubog sa kanyang kaganapan bilang isang indibidwal. Pinatutunayan ng K to 12 Filipino Kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon (2013), pangkalahatang layunin ng Kurikulum ng K to 12 ang makalinang ng isang buo at ganap na Filipinong may kapaki-pakinabang na literasi. At isa ang asignaturang Filipino sa Piling Larang ng Baitang 11 na humuhubog sa kakayahan ng mga mag-aaral sa pagsulat ng iba’t ibang akademikong sulatin tulad ng sintesis, abstrak, talumpati at iba pa. Ang asignaturang ito ay maitututring na daan upang malinang ang kakayahan sa pagsulat at maging mabisa sa asignaturang Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Ang Puerto Galera National High School – Main Campus ay isa sa paaralan sa Puerto Galera na kilala sa pagkakaroon ng mga mag-aaral na magaling sa pagsulat. Isa ang paaralang ito na nabibigyan ng pagkakataon para makipagkompetensya sa iba pang paaralan sa iba’t ibang lugar. Isa sa mga patunay nito ay ang taon-taong pagsali ng paaralan sa journalism. Dahil dito, unti-unting nagkakaroon ng pangalan ang paaralan sa larangan ng pagsulat sa iba’t ibang anyo at paksa. May sapat na kaalaman at kasanayan ang mga mag-aaral upang irepresenta ang paaralan sa ibang paaralan. At ito ang naging daan upang mabuo ang pananaliksik tungkol sa kasanayan sa pagsulat ng Baitang 11. Ang pag-aaral na ito ay pinamagatang “Filipino sa Piling Larang at Kasanayan sa Pagsulat ng Baitang 11-HUMSS ng Puerto Galera National High School – Main Campus” na naglalayong tukuyin ang antas ng kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral ng Puerto Galera National High School. Nilalayon din ng pananaliksik na ito na malaman ang mga akademikong maaaring matutunan sa asignaturang Filipino sa Piling Larang. Bukod pa rito, magiging daan ang marka sa asignaturang Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik upang malaman ang antas ng kasanayan ng mag-aaral sa pagsulat. Balangkas Konseptuwal Kasanayan sa Pagsulat Filipino sa Piling Larang Pigura I Makikita sa unang kahon ang kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral sa Baitang 11-HUMSS. Sa pangalawang kahon naman matutukoy ang asignaturang Filipino sa Piling Larang. Dito malalaman kung may epekto sa kasanayan sa pagsulat ang mga akademikong sulatin na natututunan sa asignaturang Filipino sa Piling Larang. Paglalahad ng Suliranin Ang pag-aaral na ito ay naglalahad ng kaukulang impormasyon hinggil sa antas ng kasanayan sa pagsulat ng Baitang 11-HUMSS sa PGNHS – Main Campus sa pamamagitan ng mga akademikong sulatin na natutunan sa asignaturang Filipino sa Piling Larang. Naglalayon din itong matugunan ang mga sumusunod na katanungan: Ano ang antas ng kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral ng Baitang 11-HUMSS batay sa kanilang marka sa asignaturang Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik? Ano-ano ang mga akademikong sulatin na natututunan ng mga mag-aaral ng Baitang 11-HUMSS sa asignaturang Filipino sa Piling Larang? Paano nakaaapekto sa kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral sa Baitang 11-HUMSS ng PGNHS – Main Campus ang mga akademikong sulatin sa asignaturang Filipino sa Piling Larang? Haypotesis Ipinagpalagay ng mananaliksik na may epekto sa kasanayan sa pagsulat ng Baitang 11-HUMSS ang mga akademikong sulatin sa asignaturang Filipino sa Piling Larang at ito ay makikita sa kanilang marka sa asignaturang Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Kahalagahan ng Pag-aaral Ang adhikain ng pag-aaral na ito ay makatutulong sa mga mag-aaral, mga guro, magulang, administrasyon ng paaralan, at sa mga susunod na mananaliksik. Mga Mag-aaral. Ang pag-aaral na ito ay magbibigay ng ibayong pagkaunawa na magdudulot ng pagpapahalaga sa kahalagahan ng pagkakaroon ng kasanayan sa pagsulat na nangangailangan dumaan sa pamamaraan na dapat sundin upang maging mahusay, mabisa at kawili-wili ang pagsusulat. Mga Guro. Makatutulong ito upang malaman ang epektibong estratihiya sa pagtuturo ng mga akadeikong sulatin. Mas mapapadali ang paglinang sa kakayahan ng mga mag-aaral sa kasanayan sa pagsulat. Administrasyon ng Paaralan. Magiging gabay ito upang matugunan ang kailangan ng mga guro upang magkaroon ng epektibong pamamaraan ng pagtuturo at mapataas ang kalidad ng edukasyon. Mga Susunod na Mananaliksik. Ang pananaliksik na ito ay maaaring maging gabay sa mga susunod na pag-aaral na kaugnay ng kaso nito. Sa pamamagitan nito, magiging madali para sa kanila ang pagkalap ng mga datos at magkakaroon ng dagdag na kaalaman. Saklaw at Delimitasyon Ang pananaliksik na ito ay sinasaklaw ang pag-aaral sa kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral ng Baitang 11-HUMSS sa PGNHS – Main Campus at kaugnayan nito saq asignaturang Filipino sa Piling Larang. Ang datos na gagamitin sa pananaliksik ay magmumula sa ___ na mag-aaral mula sa Baitang 11-HUMSS. Ang batayan na gagamitin sa pagkuha ng antas ng kasanayan ay sa marka lamang ng mga mag-aaral sa asignaturang Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Sa kabilang banda, ang pananaliksik na ito ay mula Enero 2020 hanggang Marso 2020 lamang. Kahulugan ng mga Talakay Minarapat bigyan ng mga mananaliksik ng depinisyon ang mga sumusunod na terminolohiya batay sa kung paano ginamit ang bawat isa sa pag-aaral na ito sapagkat ito ay magiging tulong tungo sa mas madali at ganap na pagkakaintindi ng mga mambabasa. Akademikong sulatin – mga sulating pormal na tinatalakay sa asignaturang Filipino sa Piling Larang. Antas ng Kasanayan – ito ay tumutukoy sa lebel ng kasanayan na tinataglay ng isang mag-aaral. Asignatura – mga Filipino sa Piling Larang – asignatura kung saan matututunan ang iba’t ibang akademikong sulatin. HUMSS – Humanity and Social Sciences, isang akademikong strand sa Senior High School. Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik – asignatura sa senior high school kung saan manggagaling ang marka para sa datos. Magiging batayan sa kasanayan sa pagsulat ng mgs msg-aaral. Pagsulat – Pagbuo ng isang makabuluhang produkto mula sa kritikal na pagninilaynilay sa paksa. “Filipino sa Piling Larang at Kasanayan sa Pagsulat ng Baitang 11-HUMSS ng Puerto Galera National High School – Main Campus” 8 | Pahina