Taurus
Ang Taurus ang pangalawang signo ng sodyak. Pinamumunuan ito ng buntalang Venus, ang buntala ng kagandahan. Gusto ng mga Taureano ang mga karangyaan sa buhay at karaniwang itinutuon nila ang kanilang mga lakas para makamit ang mga karangyaang ito. Nakatuon din sila sa paglikom ng maraming pera. Pinagtutuunan talaga nila ng pansin ang mga bagay na makakapuno sa kanilang mga pangangailangan gaya ng kasiyahan, karangyaan at kayamanan.
Binibigyang halaga ng mga Taureano ang mga magaganda at magagarang bagay sa musika, sining at pananamit. Matatag ang katayuan ng mga taong ito at talagang mapagkakatiwalaan yun nga lang medyo may katigasan ang kanilang mga ulo.
Ilan sa mga katangian ng Taurus ay praktikal, sakim, pasensyoso, materyalistik, tamad, hindi umaayaw, at masyado silang tapat sa kanilang mga kaibigan na pati mga problema ng kaibigan nila ay inaako din nila. Grabe magselos din ang mga Taurus. Medyo may kabagalan ang mga ito pero parati nilang natatapos ang kanilang mga sinisimulang mga bagay.
Magagaling silang magplano, at gagawin nila ang lahat maisakatuparan lang ang kanilang mga plano.
- Namumunong Buntala: Venus
- Pinamumunuan: Tunay na pinuno ng Pangalawang Bahay
- Kalidad: Fixed
- Elemento: Lupa
- Pagsasalarawan: Mga Pag-aari
- Katanyagan: Mapagkakatiwalaan
- Depekto: Katigasan ng ulo,
Kung ang Taurus ay nasa cusp (bakuran) ng isang Bahay sa sodyak, o kung meron mang buntala ay nasa Taurus, ang suliranin ng Bahay na iyon o ng buntalang iyon ay naiimpluwensiyahan ng pagkakakitaan, usad-pagod na pag-unlad, mabagal pero biglang kikilos kung kinakailangan, makasaraling pagkilos at mga inaasam.