[go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

Nanakate

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang molekulang silosibina (psilocybin sa wikang Inggles) ay taglay ng mga kabuteng nagdudulot ng halusinasyon.

Noong panahon ng mga Kastila sa Nueva España (kasalukuyang Mehiko), ang terminong nanakate[1][2] ay ang katawagan sa mga iba’t ibang uri ng mga kabuteng nagdudulot ng halusinasyon sapagkat nagtataglay ang mga ito ng mga molekulang halusinoheniko katulad ng silosibina (psilocybin sa wikang Inggles) at silosina (psilocin sa wikang Inggles). Ang termino mismo ay hango sa salitang Nahuatl na nanacatl na nangangahulugang anumang kabute na maaaring kainin. Sinasabi na ang mga nanakate ay nakalalason kapag ang mga ito ay kinain sa labis na dosis, ngunit sa katamtamang dosis ang mga ito ay nagbibigay ng pansamantala at narkotikong ginhawa. Ang labis na pagkain ng mga kabuteng nanakate ay sinasabing nagdudulot ng permanenteng pagkasira ng bait o kabaliwan[3].

Ang paggamit ng mga nanakate o kabuteng halusinoheniko sa Mehiko ay matagal nang kilala ng mga manunulat na Europeo at Mehikano noong mga nakalipas na siglo. Hindi rin ito ang mga natatanging mga halusinoheno na ginagamit noong sinaunang panahon sapagkat bukod sa mga kabute, malawakan ding kilala ng mga Kastila at mga Mehikano ang peyote (o Lophophora williamsii), isang halamang kakto na nagtataglay din ng kasangkapang nagdudulot ng halusinasyon na tinatawag na meskalina (mescalin sa wikang Inggles).

Bago pa man dumating ang mga Kastila sa mga dalampasigan ng Mehiko, ang paggamit ng mga kabute (nanakate) o iba pang halamang nagdudulot ng halusinasyon ay matagal nang bahagi ng mga ritwal at mga seremonyas ng mga sinaunang kabihasnan ng Mesoamerica. Kadalasan itong ginagamit sa mga ritwal ng paghuhula o adibinasyon, para sa mga ritwal ng paggagamot ng mga kapansanan o para sa mga ritwal ng pakikipag-isa sa mga puwersang sobrenatural. Kabaligtaran naman, noong panahon ng mga Kastila, kinatatakutan ng mga prayle at iba pang mga dalubhasang relihiyoso ang maaaring epekto ng tuluyang paggamit ng mga halusinoheno sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng mga gumagamit nito.

Noong Hunyo 1620, sa pamamagitan ng isang edikto, pormal na ipinagbawal ng Ingkisisyong Mehikano ang paggamit o konsumo ng peyote. Ipinaliwanag nang maigi ng edikto ng Ingkisisyon ng Mehiko na ang peyote ay nagdudulot ng masama at maladiyablong impluwensiya sa sinumang gumagamit nito — ang konsumo ng peyote ay sinasabing sanhi ng pagkawala ng katinuan sa isip at sinumang gumagamit nito ay sinasabing mas madaling matukso sa masamang impluwensiya ni Satanas[4]. Pagkatapos ng proklamasyon ng malawakang pagbabawal ng paggamit ng peyote, sumunod naman ang biglang dagsa ng mga paratang, denunsya at kumpisal sa paggamit ng halusinohenikong kakto. Karamihan sa mga denunsya na ipinasa sa Ingkisisyong Mehikano ay kaugnay sa makasalanang paggamit ng peyote ng mga babaeng hinihinalang na mga mangkukulam o hindi umiiwas sa pakikiapid. Dahil sa hinala na ang mga denunsya kontra sa paggamit ng peyote ay ginagamit lamang ng mga masasamang-loob at mapagsamantalang mga tao para apihin at paratangin ng mga hindi makatotohanang mga bintang ang mga taong nabibilang sa mga mas mababang sektor ng lipunan katulad ng mga babae at mga mahihirap, bihira lamang ang mga isinagawang prosekusyon ng Ingkisisyong Mehikano laban sa paggamit ng peyote noong panahong ito. Noong mga taong 1621 at 1622, wala ni isang kaso na humantong sa prosekusyon at paglilitis dahil sa pagdududa at pag-aalinlangan ng mga kasapi sa Ingkisisyong Mehikano sa katunayan ng mga paratang. Bilang karagdagan sa nasabi na, noong mga taong ito, mayroon din mga kasapi ng Ingkisisyon ng Mehiko na nagtanong tungkol sa mga maaaring eksepsyon sa pagbabawal ng paggamit ng peyote. Halimbawa, noong taong 1621, itinanong ng prayleng Agustino na si Martín de Vergara sa kanyang mga kapwa kasapi ng Ingkisisyong Mehikano kung maaaring magbigay ng pahintulot sa paggamit ng peyote bilang medisina o gamot. Pagkalipas ng sampung taon, noong ika-25 ng Marzo 1631, iniulat ng prayleng si Rodrigo Alonso Barrena ang pangyayari ukol sa isang dalagita na hinikayat ng dalawang lalaki na maggiling at maghanda ng pulbos ng peyote. Dahil sa pagsisisi at sa ligalig ng kanyang loob, nagtungo agad sa kumpisalan ang dalagita para sumailalim sa sakramento ng kumpisal at humingi ng tawad sa ginawa niyang kasalanan. Ayon sa ulat, ipinayo ng lokal na pari sa dalagita na sumangguni kay Prayle Barrena sapagkat ang kasalanang kanyang ginawa ay nasa ilalim lamang ng awtoridad ng Ingkisisyong Mehikano. Iniulat ng prayle ang lahat ng mga pangyayaring ito sa mga kapwa niyang kasapi sa Ingkisisyon, at sinagot naman siya na ipawalang-sala kaagad ang dalagita.

Dahil maihahalintulad sa peyote ang epekto ng mga nanakate sa katinuan ng pag-iisip, isinumbong din sa mga awtoridad ang sinumang gumagamit ng mga kabuteng halusinoheniko pagkatapos ng proklamasyon ng edikto. Halimbawa, noong Mayo 1631, iniulat ng prayleng Franciscano na si Cristóbal Báez ang isang kaso ng paggamit ng nanakate ng isang rantsero ng Taximaroa na si Gonzalo Pérez. Siya ay ang asawa ni Inés Martín. Ayon sa ulat ng prayle, iniwan ni Inés Martín ang kanyang asawa, marahil dahil sa nakamtan niyang mga abuso galing kay Gonzalo Pérez. Dahil sa lungkot, humingi ng tulong ang rantsero kay Josephillo, ang utusan ng kanyang ama, dahil sa kanyang kaalaman ukol sa wastong paggamit ng nanakate. Kinailangan ni Gonzalo Pérez ang tulong ni Josephillo at ng mga kabuteng halusinoheniko dahil umaasa siyang makakatulong ang mga halusinasyon na dinudulot ng mga kabute upang mabigyan si Gonzalo ng mga palatandaan ukol sa kasalukuyang pinagtataguan ng kanyang asawang si Inés Martín. Sa kasamaang-palad, lumabis sa wastong dosis ang nanakateng nagamit ng rantsero at nanaig sa kanyang kaisipan ang mga masasamang mga halusinasyon. Nang nakita ng ina ni Gonzalo na si Doña Catarina de Olivares ang nahihibang niyang anak habang nasa ilalim siya ng epekto ng nanakate, agad siyang naghinala na ang halusinasyon ng kanyang anak ay kagagawan ng demonyo. Kaagad ipinasuot ng ina sa leeg ng kanyang anak ang kanyang rosaryo ngunit biglang-takot na hinagis papalayo ni Gonzalo ang rosaryo sapagkat pinagkamalan niya itong isang alupihan dahil sa epekto ng kabuteng halusinoheniko sa kanyang pag-iisip. Ayon sa ulat ng prayle, nabanggit ni Gonzalo sa kanyang ina habang nasa ilalim siya ng epekto ng nanakate ang lugar kung saan maaari niyang muling matagpuan ang kanyang asawa — matatagpuan daw nilang muli si Inés Martín sa lagwerta na malapit sa tirahan ng pamangking babae ni Doña Catarina de Olivares at sa bandang huli ay nalaman nila na totoo pala ang mga nabanggit ni Gonzalo habang siya ay nasa ilalim ng halusinasyon ng nanakate. Isinumbong lamang ni Gonzalo ang mga pangyayaring ito nang nakarating na si Prayle Báez sa bayan ng Taximaroa ngunit hindi humantong sa prosekusyon ang kasong ito sa harap ng Ingkisisyong Mehikano.

Noong panahon ng Kolonyalismong Kastila sa Mehiko, ang terminong nanakate ay tumutukoy sa mga kabute na kabilang sa genus na Psilocybe. Matatagpuan ang mga ito sa iba't ibang panig ng daigdig, kabilang na din ang Pilipinas.

  1. Schwartzkopf, Stacey; Sampeck, Kathryn E (2017). Substance and seduction: ingested commodities in early modern Mesoamerica (sa wikang Ingles). p. 44. ISBN 9781477313879.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Tyler, V. E. (1979). "The case for Victor A. Reko--an unrecognized pioneer writer on New World hallucinogens". Journal of Natural Products. 42 (5): 489–495. ISSN 0163-3864. The nanacates are poisonous mushrooms which have nothing to do with peyote.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Singer, Rolf (1958). "Mycological Investigations on Teonanácatl, the Mexican Hallucinogenic Mushroom. Part I. The History of Teonanácatl, Field Work and Culture Work". Mycologia. 50 (2): 240. doi:10.2307/3756196. Said to be poisonous in overdose of 50-60, but in moderate quantity it produces hilarity and general narcotic feeling of wellbeing for an hour. Excess doses said to produce permanent insanity.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Schwartzkopf, Stacey; Sampeck, Kathryn E (2017). Substance and seduction: ingested commodities in early modern Mesoamerica (sa wikang Ingles). p. 41. ISBN 9781477313879. In June 1620 the Mexican inquisition issued a formal ban on peyote consumption. Its use was criminalized and the prosecution of its consumption was restricted to the inquisitional court. The edict itself stressed that peyote consumption, in addition to the plant's rumored demonic quality, stripped one of reason and therefore left one more susceptible to the seduction of Satan. Others were persecuted for idolatry, sorcery, or witchcraft, with peyote use being among the various forms of divination employed.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)