[go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

John Smith

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Si Kapitan John Smith.

Si Kapitan John Smith[1] (c. Enero 1580 – 21 Hunyo 1631) ay isang Almirante ng New England (Bagong Inglatera), sundalo ng Kaharian ng Inglatera, manggagalugad, at may-akda. Noong humigit-kumulang sa 1600, naging isa siyang pirata sa Turkiya. Higit siyang nakikilala sa pagiging isa sa mga pinuno ng maliit na pamayanang Ingles na itinatag sa Jamestown, Virginia noong kaagahan ng dekada ng 1600. Dahil sa kaniyang pamumuno, ang kolonya ay hindi nabigo, hindi katulad ng naunang mga maliliit na pamayanan. Naging mahalaga ang kaniyang pagganap sa paglulunsad ng unang permanenteng pamayanang Ingles sa Hilagang Amerika. Siya ang pinuno ng tinatawag na Kolonya ng Virginia (na ang himpilan nga ay ang Jamestown) sa pagitan ng Setyembre 1608 at Agosto 1609, at namuno ng eksplorasyon sa kahabaan ng mga ilog ng Virginia at ng Look ng Chesapeake. Siya ang unang Ingles na eksplorador na nagmapa ng pook Look ng Chesapeake at ng Bagong Inglatera. Paminsan-minsan siyang iniuugnay sa babaeng Indiyanang si Pocahontas pagkaraang madakip ng ama ni Pocahontas na si Powhatan; subalit ibang kolonistang Ingles, na nagngangalang John Rolfe ang nagpakasal kay Pocahontas.

Ang mga isinulat na aklat at ginawang mapa ni Smith ay itinuturing na napakahalaga sa panghihikayat at pagsuporta ng kolonisasyong Ingles ng Bagong Mundo. Siya ang nagbigay ng pangalang New England sa rehiyong iyon at hinikayat niya ang mga taong mandayuhan papunta roon sa pamamagitan ng pagsasabi na sa lugar na iyon ang bawat isang tao ay maaaring maging panginoon at may-ari ng sarili niyang gawain at lupain; at kung ang taong nandayuhan ay walang pag-aari, ang taong iyon, sa pamamagitan ng industriya ay madaling yayaman.[2]

Nang ang Jamestown ay naging unang permanenteng maliit na pamayanan ng Inglatera sa Bagong Mundo, sinanay ni Smith ang mga tao roon sa pagsasaka at paggawa, kung kaya't nasagip ang kolonya mula sa isang maagang pagkawasak. Lantaran niyang ipinahayag na ang sinumang hindi gagawa o magtatrabaho ay hindi kakain. Ang ganitong katatagan ng katangian at pagpupunyagi ay nakapangibabaw at nakapagbigay ng lunas sa mga suliranin na hinarap niya dahil sa mga Indiyanong nanggugulo, dahil sa kasukalan at sa maliligalig at hindi nakikiisang mga Ingles na kasapi ng pamayanan.[3] Halos nasira ang kolonya dahil sa marahas na panahon, kawalan ng tubig, pamumuhay sa kasukalang malati, hindi kagustuhan ng mga Ingles na magtrabaho, at mga paglusob ng nasyong Powhatan.

Nakalibing si Smith sa simbahan ng St Sepulchre-without-Newgate, ang pinakamalaking simbahan sa Lungsod ng Londres, kung saan mayroong isang kaaya-ayang bintana na idinisenyo ni Francis Skeat at iniluklok noong 1968.[4]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Firth, Lesley (Patnugot Panlahat) atbp. (1985). "Captain John Smith". Who Were They? The Simon & Schuster Color Illustrated Question & Answer Book. Little Simon Book, Simon & Schuster, Inc., Lungsod ng Bagong York, ISBN 0671604767.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 66.
  2. David Cressy (1987). "Coming Over: Migration and Communication Between England and New England in the Seventeenth Century". p. 99. Cambridge University Press,
  3. Snell 1974, Ch. 4.
  4. "The John Smith Window". St. Sepulchre-without-Newgate. Nakuha noong 22 Disyembre 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)


TalambuhayEstados Unidos Ang lathalaing ito na tungkol sa Talambuhay at Estados Unidos ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.