[go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

Zines

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Pagbabago noong 23:23, 27 Agosto 2021 ni InternetArchiveBot (usapan | ambag)
(iba) ←Lumang pagbabago | Kasalukuyang pagbabago (iba) | Mas bagong pagbabago→ (iba)
Zebrapizza zine sa pampublikong aklatan sa Los Angeles, California

Ang zine (bigkas:dsin) ay isang uri ng pahayagang maliit lamang ang bilang ng imprenta, sariling-limbag, kadalasan ay 'xerox-copy' at isinulat lamang ng isa o kakaunting bilang ng mga may-akda na malalalim ang kultural na interes. Karaniwang nilalaman nito ang mga sulatin at pananaw tungkol sa mga alternatibong kultura tulad ng underground music, kaisipang feminista, opinyong pampolitika, talambuhay (sulating personal), talang-lakbay, pagkukumpuni, prinsipyong DIY, at marami pang ibang paksa na hindi kadalasang naitatampok sa mga malalaking pahayagan, magasin, aklat at ibang karaniwang babasahin.

Ang pinaka-nakakaakit na katangian ng zine ay ang pagiging malaya nito sa nilalaman at sa pagsala ng itinalagang patnugot (editor) dahil sa ang lumikha nito, na karaniwang tinatawag na 'zinester', ang may kontrol sa kung anuman ang nais niyang ilathala.

Masasabi na ang zine ay isang personal na pahayagan ng mga indibidwal na naghahanap ng mga paksang hindi kayang ibigay ng malalaking diyaryo o mahahanap sa mga tindahan ng libro tulad ng National Bookstore at Goodwill.

Ang konsepto ng zine ay tinagurian ng mga modernong mananaliksik na nagmula sa pangkabataang kultura ng Estados Unidos, bagamat mayroon nang kasaysayan ng pangsariling-paglilimbag sa Pilipinas simula nang mailathala ang La Solidaridad at nang maglabas ang mga miyembro ng La Liga Filipina ng mga polyeto na bumabatikos sa pang-aabuso ng pamahalaang kolonyal ng Espanya sa Pilipinas. Noong ika-1980's, sa pagpasok ng kulturang 'punk' sa bansa, inilabas ni Tommy Tanchangco, may-ari ng dating Twisted Red Cross na 'punk record label', ang Herald X, isang zine na ang karamihan sa laman ay halaw sa Maximumrockandroll, isa sa mga sikat na punk zine sa Estados Unidos.

Maraming mga zines na nailalabas sa Pilipinas, na siyang nagtulak kina Claire Villacorta at Paolo Cruz, na mismo'y mga zinesters, na ganapin ang First Philippine Zine Convention sa Ortigas, Metro Manila noong 2001 at 2002. Dito nagkakilanlan ang mga zinesters sa buong kapuluan at nabuo ang isang maluwag na network ng mga manunulat, magguguhit, at mambabasa ng zines na may kinalaman sa kontekstong kultural ng Filipino na may malaking kaibahan sa Kanluran.

Mapapansin na karamihan sa mga zines sa Pilipinas ay nasusulat sa Ingles, dahil na rin sa pagiging malawak na diaspora ng mga Pilipino sa buong mundo, maliban lamang sa zine na Kanto, na gawa ng isang grupo ng mga estudyante sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Halimbawa ng mga Zines sa Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

[1] TicTiger!

[2] Filter Zine

Nakaturo sa Panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

[3] Naka-arkibo 2007-10-13 sa Wayback Machine. Artikulo sa Manila Bulletin tungkol sa zines sa Pilipinas</a>